Pagkatapos ng napakahabang panahon, naharap ko ulit harapin ito. Ang dati kong kinagawian, ang magbahagi ng ilang piraso ng aking isipan. Isinulat ko sa wikang Tagalog, upang lalong maintidihan, no mabalin koma ket Ilokano (kung pwede lang sana sa Ilokano) kaso bitin ang laman ng aking disyonaryo sa wikang ito.
Sabi ng kanta “Lilipad ako sa dulo ng mundo, lilipad ako para lang sa iyo, Dahil ang totoo ikaw ang aking Superhero!” Theme song sa seryeng pambata noon na “SuperInggo” sa Channel 2.
Ngayon ang kwento na ito ay para sa kanya, para sa aking SuperHero.
Dati lagi ako dito, sa mundo ko, kung may magbasa at magdaan, salamat. Kung wala eh di salamat din naman. Ngayon marami na itong karibal, karamihan nasa facebook at twitter, pagandahan ng picture, pagandahan ng kotse, bahay, mga lugar na napuntahan. Ako, dito balik ulit sa munti kong mundo. Isang parte sa malawak ng kagubatan ng internet.
Bakit ko ba sya Superhero? Naramdaman ko sa kanya ang kapanatagan, pakiramdam ko, kahit sinong kalaban mahaharap ko kapag kasama ko sya. May pagkakataon nga noong sumakay kami ng jeep padaan ng Quiapo Ilalim, na sabi ng driver,ay may holdaper sa kabilang jeep. Kinabahan ako, dahil may malaki laki din akong perang dala sa oras na yaon. Ngunit wala akong takot dahil pakiramdam ko kasama ko ay isang Superhero.
Maihahalintulad ko sya sa tatay kong mangingisda. Hindi ako marunong lumangoy, ngunit dalawang beses noong ako ay nasa elementary pa lamang ay isinama nya akong mangisda sa salambaw. Di pa uso ang life jacket sa panahon na iyon. Ang isang salambaw ay matatagpuan sa gitna ng dagat, para mangisda ibababa lang ang lambat, at pag naparaan doon ang isda, huli sila! Malakas ang loob kong umakyat sa salambaw, ang isip ko pag nahulog ako diretso siguro ako sa lambat, at ang paniniwala na di ako pababayaang mahulog ni tatay. “Hindi papayag si tatay na mahulog ako”, isip ko habang binabaybay ang 3 pirasong kawayan papunta sa “kalkalapaw” ng salambaw.Lagi siyang maraming huling isda kapag kasama ako, suwerte ata ako sa buhay niya.
Balik ako sa aking superhero.May kwalipikasyon ba ang superhero?Kalimitan ang napipili ay may mabuting kalooban. Ang aking superhero meron sya noon, mabuting kalooban. Kakalimutan ang kaligayahan, para lumigaya lamang ang kanyang minamahal. Nagaakalang ang kaligayahan ay nababase sa material na bagay tulad ng malaking bahay at magandang kotse. Napagod nang umasa at baka daw naiiinip na akong maghintay.
Hindi nya nalalaman, na may taong talagang matyagang maghintay. Hindi lahat nakikiuso at ang gusto eh naiiba.Mas trip dumaan sa matarik, batuhan, liko-liko kesa mga sementado at diretso. Kaya nga sya ang minahal ko di ba? Isang superhero, kayang gawin ang lahat para sa iba. Kaya ngang magsakripisyo sa hirap, magpakagat sa lamok na may malaria, akyating ang matataaas na tore para magdugtong ng mga tubo, matyaga ng 2 hanggang 4 na linggo sa karagatan para makapanghuli ng isdang mataas sa omega 3, at di nawalan ng pag-asa kahit nakakakapit lamang sa katig ng Bangka sa loob ng 3 araw at 4 na gabi. Kaya ba iyan lahat ng isang simpleng tao? Hindi ba isa lamang superhero ang makakagawa niyan?
Ako isa lamang alalay ni Superhero. Kung baga sidekick? Taga isip ng paraan pano talunin ang mga kalaban, taga plano, at sya ang magsasagawa ng mga planong iyon. Alalay na nagmahal sa isang Superhero. Alalay na kalimitan ay sinasagip nya, lampa nga kasi, papel, computer at ballpen ba naman ang laging hawak, pano lalaban sa kaaway?
Ngunit may pagkakataon na maski SuperHero ay nagkakaroon ng kahinaan. Ang alalay sure, laging may kahinaan, at nahawaan sya noon, parang virus ng sipon, madaling makahawa pero madali din namang pagalingin. Sabi ng kapatid ko “self-sacrifice”, di ko daw sya deserve, maghanap ng “mas nakakahigit”. Patay na ito, wala na talagang kapag-a pag-asa, gumawa man siya ng recommendation letter para kay Ultra Man Ace, Bumble Bee at Optimus Prime para tanggapin akong alalay, baka di rin nila ako matagalan.
Ako, na katropa ata ng mga UFO, schizonts ng malaria parasites at katulad ng purong honey. Rarely seen, makikita lang pag sobra sobra na, at mahirap kolektahin, makakagat muna ng santambak na honeybees. In other words, naiiba din, sino ba naman kasi talaga ang makakatagal sa isang SuperHero, kundi si Super alalay. Parang Annie ni Shaider.
Namimiss ko ang aking SuperHero. Handa akong labanan maski ano mang laban ng buhay kung kasama ko siya. Umaasa pa rin ako na isa sa mga araw na ito, na bumalik ang dati nyang lakas at paniniwala na kailanman ang isang Hero at alalay ay di dapat maghiwalay. Di dapat paghiwalayin ng maski sinuman bagkus dapat nang harapin ang parating na hamon ng buhay.